Isa ang patay at tatlo ang sugatan, kasama ang isang menor de edad, nang mauwi sa saksakan at barilan ang alitan ng dalawang pamilya sa Passi City, Iloilo.

Sa ulat ni John Sala ng GMA Regional TV One Western Visayas sa Balitanghali nitong Miyerkules, sinabing nasawi si Greg Palomaria Sr., na nagtamo ng mga saksak sa katawan sa nangyaring gulo noong nakaraang Sabado.

Nagtamo naman ng malubhang sugat si Greg Palomaria Jr. matapos mabaril. Habang sugatan ang mga pamangkin niyang si Mark Fernandez at ang isang menor de edad na si alyas Rolly.

Kinilala naman ang mga suspek na si Sergeant Razel Palomar, na miyembro ng Philippine Army at kaniyang kapatid na si Ronald Palomar.

Nakuhanan pa sa video ang insidente at maririnig din ang mga putok ng baril.

ADVERTISEMENT

Ayon sa kaanak ng biktima, pauwi na sana sina Greg Jr., Mark at Rolly kasama ang dalawang iba pa nilang kaanak nang harangin sila ni Ronald.

Dito na raw nagkasagutan ang dalawang panig hanggang sa nagkagulo. Lumabas umano si Razel at pinagbabaril ang mga biktima.

Sumugod ang mga tiyuhin ng biktima hanggang sa sinaksak umano ni Ronald si Greg Sr. sa dibdib, tiyan at balikat.

“Kakasuhan talaga namin. Humihingi kami ng hustisya para sa bayaw ko at sa mga pamangkin naming na tinuturing nila na parang hayop,” ani Anafe Castor, kaanak ng mga biktima.

“Alam mo ba sir habang binabaril niya, tumatawa pa siya. Tapos ‘yung pamilya nila, tumatawa pa,” dagdag pa niya.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dati nang may alitan ang magkabilang grupo.

“Itong mga pamilya ay may mga old grudges na dahil nagkagulo din sila nitong mga nakaraang buwan at nagsampa ng reklamo si Ronald laban sa miyembro ng pamilya Palomaria,” saad ni Passi City Police deputy chief Police Lieutenant Ivon Panes.

Nakakulong na ang magkapatid na Palomar na mahaharap sa mga kasong murder at frustrated murder.

Tumanggi silang magbigay ng pahayag, ayon sa ulat. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News