Patay na nang makita sa ilog sa Cuenca, Batangas ang isang siyam na taong gulang na lalaki ilang araw matapos siyang maiulat na nawawala. Ang ama ng biktima, hindi naniniwalang aksidente ang nangyari sa anak na may takip na container sa ulo nang matagpuan.

Sa ulat ni Paul Hernandez ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, sinabing nakita ang katawan ng biktimang si Rommel Moog sa Barangay Ibabaw ng isang grupong nagsasagawa  ng cleanup drive sa ilog.

Walong araw nang pinaghahanap si Rommel matapos mawala noong November 26, sa San Jose, Batangas.

Nang makita ang bangkay ng bata, nasa decomposition stage na ang katawan nito, wala nang suot na pang-itaas at may takip na container ang kaniyang ulo.

Ayon sa Cuenca Police, posible raw nahulog ang bata sa ilog.

“Itong batang ito ay palagi siyang namamasura kung saan nabibigyan ng pera ng mga tao doon na nagtatapon ho ng basura,” Cuenca Police Station chief Police Major Ernie Delos Santos.

Hindi pa rin makapaniwala ang ama ng bata na si Romeo, na aksidente ang nangyari sa anak. Hinihinala niya na may taong nasa likod ng pangyayari.

“Kung nahulog po ‘yung bata dapat po ‘yon walang takip na balde. Pero po nu’ng lumusong ako tinitingnan ko po talaga, ang bata po maayos ang posisyon ng bata. Kahit kailanman hindi ko pinagtapon ang anak ko ng basura. Dahil kung magtatapon ng basura dapat alam ko,” giit niya.

Isinailalim pa sa autopsy ang katawan ni Rommel para malaman ang tunay na dahilan ng kanyang pagkasawi.

Nagtutulungan na rin ang San Jose Police at Cuenca Police para isagawa ang malalimang imbestigasyon sa kaso. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News