Himalang nakaligtas ang isang 31-anyos na ginang matapos siyang barilin sa ulo ng kanyang mister sa loob ng kanilang bahay sa Balayan, Batangas.

Sa ulat ni Mark Lavaro sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Martes, sinabing magkatabi sa kanilang kama ang suspek at biktima nang mangyari ang insidente sa Barangay District 8.

Natagpuang patay ang suspek matapos barilin umano ang kanyang sarili.

ADVERTISEMENT

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagawa pa umanong maitakbo ng biktima ang kanyang sarili sa ospital.

“Hindi pa makapagbigay ng malinaw na statement ‘yung babae as of now, naka-confine pa rin sa ospital. Then ‘yung suspek nga sa pamamaril ay pagdating namin, patay na rin po,” ayon kay Balayan Police Station chief Police Major Domingo Ballesteros Jr.

Sinabi naman ng mga awtoridad na palaisipan sa ngayon kung ano ang motibo ng suspek sa pamamaril.

Nakatakdang sumailalim sa operasyon ang biktima upang matanggal ang isang bala ng caliber .22 na pistol sa ulo nito.

“Isa lang po sa sentido. Kaya lang po lumihis ang bala, pumunta sa noo niya. So, as of now, hindi pa rin na-re-recover ang bala. Kapag nasa stable condition na po siya saka namin siya kakausapin kung ano ang posibleng naging reason kung bakit nangyari ang insidente,” saad pa ni Ballesteros.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at nakikipag-ugnayan na rin sila sa kaanak ng biktima at ng suspek.

Sinisikap pa ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog na makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima at suspek. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News