Sinubukan pa raw tulungan ng isang jeepney driver ang sinasakyang jeep ng walong nasawi nang tangayin ito ng rumaragasang baha sa isang ilog sa Barangay Sta. Ines sa Tanay, Rizal.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa “24 Oras Weekend”, sinabing hindi inakala ni Jumel Argarin na ang pagkuha nila ng ayuda ay mauuwi sa trahedya.

Sinabi ni Argarin na dalawang jeep ang inarkila ng mga senior citizens para bumaba ng bundok at mag-withdraw ng ayuda sa bayan.

Aniya pa, mababaw at malinaw ang ilog na dinaanan nila. At pagdating sa pang-anim na ilog, naunang tumawid ang kanyang jeep.

“Kasi sabi ko, parang may inaanod na sanga. Edi ang ginawa ko po, hinintay ko siya sa kabilang ilog. Du’n po sa pinangyarihan ng aksidente. Biglang ragasa po ‘yung tubig, grabe po. Hindi ko po inexpect na ganu’n po ang tubig na masasagupa namin,” ani Argarin.

“Kinakable ko po siya, hindi po talaga mabunot gawa po ng parang na-ano siya sa bato. Umabot na po sa stainless na bubong ‘yung tubig, nang makita ko po na dahan-dahan na siyang nakahiga, nag-high na po ako ng ilaw para po [malaman ko]. Bumusina po ako, sabi ko sa mga tao, tulungan niyo puntahan niyo sa likod,” dagdag pa niya.

Nitong Sabado ng gabi, nasawi ang pitong senior citizens at isang 5-taong-gulang na bata sa aksidente.

Kinilala ng Rizal Provincial Police Office (PPO) ang mga nasawi na sina Teresita Quinto, Maylard Keith Fernandez, Leonida Doroteo, Salvacion Delgado, Carmen dela Cruz, Esmena Doroteo, Avelino Buera at Teodora Buera.

Sinabi ni Tanay, Rizal Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) chief Norberto Francisco Matienzo Jr. na galing sa town proper ang jeep at may sakay na 25 pasahero nang mangyari ang aksidente dakong 8:15 p.m.

Tumatawid ang naturang jeep sa isa sa 15 ilog sa Tanay nang magka-aberya at kalaunan ay hinampas ng rumaragasang tubig sa ilog.

Ayon sa jeepney driver, tumagal lang daw ng ilang minuto ang pangyayari, pagbaba ng tubig isa-isa nang tumambad sa kanila ang mga nasawing pitong senior citizens at isang bata.

Ligtas lahat ng sakay ni Argarin at tumulong na sila sa pagsagip ng mga biktima. Hanggang kanina sinuyod nila ang ilog para mabawi ang mga gamit ng mga biktima na tinangay ng tubig, ayon pa sa ulat.

“Hindi po namin mabilang kung ilan po talaga ang sakay ng kabilang jeep. Kaya po kahit sa puyat po at pagod, [pinilit] ko pa rin pong makatulong,” ani Argarin.

Batay sa masterlist nila ng pasahero, sinabi niya na “accounted for” na ang lahat ng sakay pero minsan daw kasi may mga senior citizens na sumasakay kahit wala sa listahan.

Sa ngayon, umaasa na lang daw sila Argurin na wala nang ibang nasawi na tinangay ng tubig. Mel Matthew Doctor/DVM, GMA Integrated News