Sugatan ang 13 katao nang aksidenteng magkabangaan ang isang SUV at pampasaherong van sa Barangay Morera sa bayan ng Guinobatan sa lalawigan ng Albay.

Sa ulat sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, makikitang nawasak ang unahang bahagi ng SUV at pampasaherong van dahil sa lakas ng banggaan.

ADVERTISEMENT

Agad naman rumesponde ang awtoridad sa lugar at itinakbo sa ospital ang mga biktima.

Pero naging pahirapan naman ang pagsagip sa driver ng van dahil naipit ito sa kaniyang kinauupuan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, tumatakbo sa magkahiwalay na direksyon ang dalawang sasakyan nang biglang pumutok ang kaliwang unahang gulong ng SUV na naging dahilan ng aksidente.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News