Nasawi ang isang dating hepe ng Civil Service Unit matapos siyang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Polomolok, South Cotabato.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Donald Cabigas.

Makikita sa CCTV na tila nagmamasid ang dalawang lalaking nakasuot ng jacket sa paligid sa labas ng tindahan ng LPG.

ADVERTISEMENT

Ilang saglit pa, bumunot na ng baril ang isa sa mga lalaki at pumasok sa tindahan. Ilang putok ng baril ang narinig pagkatapos.

 

Lumabas ang isa sa gunmen at bumalik sa loob at dalawang putok ulit ang narinig.

Tumakas ang mga suspek gamit ang isang motorsiklo matapos ang pamamaril.

Sinabi ng pulisya na si Cabigas ang ika-apat na CSU personnel na biktima ng pamamaril sa Polomolok magmula Nobyembre.

Patuloy na inaalam ang posibleng ugat ng krimen. —LBG, GMA Integrated News