Dahil sa kaniyang bilugang mga mata, matangos na ilong, mamula-mulang labi at kulot na buhok, aakalaing isang buhay na Batang Hesus ang isang bata sa Cebu, na taon-taon nagbibihis bilang Sto Niño para makidiwang ng Sinulog Festival.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing maraming tao ang napapa-sign of the cross at napapahalik kapag nakikita ang batang si Niña, na twinning at isinunod ang pangalan sa batang si Sto Niño.
Nakiparada si Niña sa bisperas ng pista ng araw ng Sinulog Festival, kung saan kinagiliwan ng mga deboto ang kaniyang pag-flying kiss at pagkaway.
Sa tunay na buhay, gala rin si Niña, mahilig makipaglaro, at mabuti ang puso dahil hindi madamot sa mga kalaro at sadyang malambing.
Nakuha ni Niña ang kaniyang pagiging mestisa dahil Australyano ang kaniyang tatay.
Itinuturing ni Mitch Buchan, ina ni Niña, na milagro ang pagbubuntis niya sa bata.
"Sabi ng doktor imposible po akong magkaanak kasi mababa 'yung matres ko," sabi ni Mitch.
Dahil dito, nagno-novena si Mitch tuwing Biyernes, at binuo ang siyam na araw na pagmimisa bago sumapit ang piyesta ng Sinulog.
"Wala akong ibang hiling kundi ang baby. Sabi ko talaga kay Sr. Sto. Niño na kapag nagkaroon ako ng baby girl, ipapangalan ko talaga Niña," sabi ni Mitch.
Pagkalipas ng apat na taon, dininig ang panalangin ni Mitch.
"Nabuntis na ako pagkatapos ng novena mass. 'Yung papa ng baby, umuwi sa Cebu galing Australia January, nalaman ko na buntis ako February. Masayang masaya po kasi natupad po 'yung hiling ko," kuwento niya.
Ngunit nasubok ang pananampalataya ni Mitch sa araw ng kaniyang panganganak.
"Dineclare na ng nurse na wala na 'yung heartbeat ng bata. Pinikit ko lang 'yung mata ko at nag-pray na, 'Sr. Sto. Niño wala akong ibang hiling.' Hiling ko talaga ang baby sa kaniya," aniya.
Pagkalabas ni Mitch ng operating room, himalang nabuhay si Niña.
"Napapabasa ako ng bakit daw sinusuotan 'yung bata na parang Sto. Niño? Iba-iba kasi 'yung paniniwala ng mga tao. Hindi ko na lang mina-mind (iniisip)," sabi ni Mitch.
Paliwanag ni Fr. John Ion Miranda, OSA, ng Basilica de Sto Niño De Cebu, ang pagbibihis sa mga bata na kagaya kay Sto. Niño ay parte ng debosyon at tradisyon sa Cebu.
"It gives us a glimpse na 'yung role talaga ng parents is the first teacher of faith, of love, and hope. For the church wala tayong problema du'n as long as it strengthens our faith in Sto. Niño," ayon kay Fr. Miranda. —LBG, GMA Integrated News
