Isang senior citizen na rider ang nasawi matapos na masagi at magulungan siya ng isang bus sa Peñablanca, Cagayan. Sa Isabela, isang rider din ang nasawi matapos makasalpukan ang isa ring motorsiklo.

Sa ulat ni Russel Simorio ng GMA Regional TV “One North Central Luzon” nitong Miyerkoles, kinilala ang 60-anyos na biktima na si Ben Pagalilawan.

Ayon sa pulisya, sumemplang ang rider matapos masagi ng bus at magulungan.

Ayon kay Police Senior Master Sergeant Darwin Damaso, imbestigador, nakasuot ng helmet ang biktima pero nawasak ito kaya labis na napinsala ang kaniyang ulo.

Nauwi umano sa areglo ang insidente, ayon sa ulat.

Samantala, nasawi naman ang 27-anyos na rider na si Jun Rey Capas matapos masalpok ng isa pang motorsiklo sa Barangay Garit sa bayan ng Echague sa Isabela.

Ayon sa ulat, papaliko sa isang gasolinahan si Capas nang mangyari ang insidente.

“Malakas kasi tumilapon sila side-by-side ng lane. Pati ‘yung [motorsiklo], pareho silang [tumilapon] sa both shoulder lane,” Echague Police Station investigator Police Senior Master Sergeant Eliezer Gadiran

Nagpapagaling sa ospital ang rider ng nakabanggang motorsiklo.

Samantala, sugatan naman ang 52-anyos na si Felipe Dumadag matapos mabangga ng motorsiklong minamaneho ng isang babae habang patawid sa national highway ng Magsingal, Ilocos Sur.

Parehong dinala sa ospital ang dalawa dahil sa mga tinamong sugat.

“Hindi po napansin ‘yung biglang pagtawid ng biktima. Du’n nabangga niya ang biktima,” ani Magsingal Police Station officer-in-charge Police Captain Rodel Ragasa.

“Pupunta siguro siya sa Barangay Labut. Last day kasi ng namatay naming kamag-anak. ‘Yung kanang kamay niya nabali, sugatan ang ulo niya,” sambit ni Margie Pacheco, kapatid ng biktima. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News