Patay ang kutsero at kaniyang kabayo nang mabangga ng isang truck ang kanilang karwahe na may sakay na ataol sa San Nicolas, Ilocos Norte.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa national highway sa Barangay 16.

Isasakay raw sana sa karwahe ang isang ililibing sa sementeryo nang mabundol ito ng kasunod na truck.

Sa lakas ng pagkakabangga, nawasak ang karwahe at agad na nasawi ang kabayo. Isinugod naman sa ospital ang kutsero na si Dominador Domingo, 53-anyos, pero pumanaw din kinalaunan.

Sumuko naman sa pulisya ang driver ng truck na posibleng maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.--FRJ, GMA Integrated News