Inaresto ng mga pulis sa Cabuyao, Laguna ang kanilang "kabaro" sa trabaho dahil sa panggagahasa umano sa anak nito na tatlong-taong-gulang lang. 

Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Miyerkoles, sinabing naging maingat ang mga pulis sa ginawang pag-aresto sa suspek na posibleng armado.

Napag-alaman na mag-a-apat na taong gulang pa lang sa darating na Pebrero ang biktima. 

Positibo umanong napagsamantalahan ang bata nang ipasuri sa duktor.

Nakakulong sa Cabuyao City Police Station ang suspek at sasampahan ng reklamong rape in relation to child abuse.

Mariin namang itinanggi ng suspek ang paratang laban sa kaniya. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News