Nasawi ang isang lalaki sa San Pascual, Batangas matapos siyang pagbabarilin ng mga salarin na nakasakay sa motorsiklo. Sa bayan naman ng Bauan, masuwerteng nakaligtas sa ambush ang isang babae.

Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Inocencio Ilagan, 54-anyos.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing galing sa lamay at naghihintay ng masasakyan sa Barangay San Antonio, nang pagbabarilin siya ng dalawang salarin na nakasakay sa motorsiklo.

Nagtamo ng tama ng bala sa dibdib at tiyan ang biktima na hindi na umabot ng buhay sa pagamutan.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para madakip ang mga salarin.

Sa bayan ng Bauan, nagtamo ng sugat sa braso si Helen Yee, 38-anyos, matapos siyang pagbabarilin sa loob ng kaniyang kotse. Ang salarin, isang lalaking nakasakay sa motirsklo.

Ayon sa pulisya, nakalipat kaagad sa passenger seat ang biktima kaya hindi napuruhan kahit natadtad ng tama ng bala ang sasakyan nito.

Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa krimen, at pagkakakilanlan ng nakatakas na gunman.-- FRJ, GMA Integrated News