Nahuli-cam sa isang tindahan ng mga pasalubong sa Bacolod City ang ginawang pagnanakaw ng isang lalaki sa tinapay na tinatawag na "piyaya."

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, makikita sa video ang kawatan na kunwaring pumipili ng bibilhing pasalubong na nasa estante.

ADVERTISEMENT

Maya-maya lang, inilagay na niya sa kaniyang bag ang ilang pakete ng piyaya.

Isinumbong na sa pulisya ang insidente at inaalam na pagkakakilanlan ng lalaki.

Ayon sa pamunuan ng naturang pasalubong center, hindi na bago sa kanila ang insidente.

Nakikita raw nila ang mga ninanakaw na produkto na ibinebenta online sa mas murang halaga.

Panawagan ni Arlun Guilicana, huwag suportahan ang mga naturang masamang gawain, at kawawa umano ang mga kawani kapag sa kanila siningil kapag nagkaroon ng shortage sa imbentaryo.--FRJ, GMA Integrated News