Patay ang isang ginang matapos siyang laslasin sa leeg diumano ng kanilang lalaking helper sa mismong araw ng kaniyang kaarawan sa kaniyang bahay sa Bacoor, Cavite.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa Saksi, kinilala ang biktima na si Felicitas Bing Policarpio Soriano, na ipinagdiriwang din ang kaniyang ika-61 kaarawan nang mangyari ang krimen.

“Doon pa lang sa gate, may mga dugo na. Pagdating doon sa kwarto, doon na nakita ko na ‘yung mother ko na nakadapa,” sabi ni Mark Jerick Almusajin, anak ng biktima.

Kinilala ang suspek na si Patrick Gonzales alyas "Butchoy", 21-anyos, at stay-in helper ng biktima.

Sa kuha ng CCTV, makikita na paalis ang suspek na dala ang maraming gamit bandang 4 a.m. nitong Pebrero 11.

Narekober naman ng mga awtoridad ang duguang damit ng salarin, na itinapon niya sa kalapit na creek. Hindi pa natatagpuan ang kutsilyong ginamit sa pagpatay.

May mga record din ng mga reklamo laban sa suspek mula sa mga dati niyang inutangan.

Bago ang insidente, halos tatlong linggo nagtrabaho si Gonzales sa bahay ng biktima.

May alok na pera ang pamilya ng biktima sa makapagbibigay ng impormasyon para sa pagkadakip ng suspek.

“Sana makonsensya ka, sumuko ka na. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang ginawa mo, na mabait naman ang mga tao sa iyo roon,” sabi ni Almusajin. — Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News