Nag-alay ng kaniyang buhay ang isang 15-anyos na binatilyo na nasawi matapos na mailigtas ang dalawang kapuwa niya menor de edad na muntik nang malunod sa ilog sa Pilar, Sorsogon.

Sa ulat ni Jessie Crusat sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing naliligo ang dalawang menor de edad sa ilog sa Barangay Banuyo nang magkaroon ng problema ang mga ito.

Bigla umanong sumaklolo ang binatilyo sa dalawang menor de edad na nalulunod. Naisalba niya ang dalawa pero hindi na lumutang ang binatilyo.

Nang maghanap ang mga awtoridad, nakita ang binatilyo na wala nang buhay.

Samantala, paiigtingin naman ng mga awtoridad ang pagbabantay sa Bicol River matapos na maitala ang ikalimang insidente ng pagkalunod sa ilog sa taong ito.

Nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko lalo na sa mga kabataan na mag-ingat. Mahirap din umanong magsagawa ng search and retrieval operation sa ilog.--FRJ, GMA Integrated News