Isang pulis sa Baguio City ang tinangka umanong sagasaan ng SUV driver na sinita niya dahil sa illegal parking, ayon sa ulat ni Russel Simorio ng GMA Regional TV One North Central Luzon sa Saksi nitong Lunes.

Sa video, makikitang pinapara na ng pulis ang SUV pero dire-direcho pa rin ito. Kita rin na napilitang umatras ang pulis para hindi siya masagasaan.

ADVERTISEMENT

Ayon sa pulis na si Patrolman Jeffrey Witawit, nagalit daw ang driver nang sitahin niya at pinaandar ang sasakyan papunta sa kaniyang direksiyon. Huminto lang daw ito nang dumating ang dalawa pa niyang kasama.

"Kita naman doon sa video na babanggain ako," ani Witawit.

Pinag-aaralan ni Witawit kung magsasampa siya ng pormal na reklamo laban sa SUV driver, na natiketan din kalaunan.

Sinusubukan pa ng GMA Regional TV One North Central Luzon na makuha ang panig ng driver ng SUV. —KBK, GMA Integrated News