Nasawi ang isang rider sa Zambales nang bigla na lang sumemplang ang kaniyang motorsiklo at nahagip siya ng truck na inunahan niya. May katulad na insidente rin na nangyari sa Ilocos Norte.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, ipinakita ang kuha ng CCTV camera sa nangyaring aksidente sa Barangay Lipay, Santa Cruz, Zambales.

Sa video, makikita na inunahan ng isang motorsiklo ang isang truck. Pero bigla na lang sumemplang ang motorsiklo at nahagip siya ng truck na kaniyang inunahan.

Nadala pa sa ospital ang rider pero binawian din ng buhay. Nakipag-ayos umano ang pamilya ng biktima sa driver ng truck.

"Minsan nagmamadali tayo o kaya minsan 'yan yung nagiging cause ng aksidente. Iwasan natin yung mag-overtake," payo ni Police Major Noemi Diaz. hepe ng Sta. Cruz Police Station.

Sa Currimao Ilocos Sur, isang 18-anyos na rider ang nasawi matapos siyang mahagip naman ng bus.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nag-overtake umano ang biktima sa isang motorsiklo. Pero nawalan umano ng kontrol sa manibela ng motorsiklo ang rider na dahilan ng kaniyang pagsemplang, at nahagip siya ng kasunod na bus.

Sumuko sa pulisya ang driver ng bus, at handa naman daw ang pamilya ng biktima na makipagkasundo. --FRJ, GMA Integrated News