RAGAY, Camarines Sur - Dead on the spot ang driver habang dalawang iba pa ang nasa kritikal na kalagayan matapos maaksidente ang isang pick-up truck sa Andaya Highway, Amlongon, Ragay, Camarines Sur nitong Sabado ng umaga.

Nangyari ang aksidente nitong 7:45 ng umaga.

Ayon sa report ng Ragay Municipal Police Station, patungong Naga City ang pick-up truck na may dalawang pasahero maliban sa driver.

Sumabog daw ang gulong sa unahan ng sasakyan na naging dahilan para mawalan ng kontrol sa manibela ang driver.

Ilang beses na umikot ang pick-up truck sa highway hanggang sa bumaliktad ito.

Agad na na-rescue ang dalawang pasahero nito at naisugod sa pagamutan habang naipit naman ang driver sa loob ng sasakyan.

Nagtamo ng matinding head injury ang driver ng pick-up truck.

Masuwerteng walang iba pang nadamay sa aksidente na nagdulot ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko. —KG, GMA Integrated News