Isa ang patay, at tatlo ang sugatan nang bumangga ang isang kotse sa nakaparadang truck sa national highway sa Sorsogon City.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Biyernes, makikita sa video ang kotse na minamaneho ng isang pulis habang binabagtas ang diversion road.

Maya-maya pa, bumangga na ang kotse sa likuran ng nakaparadang truck.

Ayon sa pulisya, nawalan umano ng kontrol ang pulis na driver ng kotse matapos na iwasan ang lubak sa daan.

Sinampahan ng reklamo ang driver ng truck dahil ilegal ang pagparada nito sa national highway.--FRJ, GMA Integrated News