Kalunos-lunos ang sinapit ng ilang sanggol na namataan sa iba’t ibang probinsya, kabilang ang isang babaeng sanggol na putol ang kanang paa at bali ang kaliwang tuhod sa Roxas City, Capiz.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas, na iniulat din ni John Consulta sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, sinabing nagpapagaling na ang babaeng sanggol sa isang ospital.

Ayon sa mga nakakita, tinangay ang sanggol ng kanilang aso saka iniwan sa bakuran.

Patuloy ang imbestigasyon ng Roxas Police.

Sa Angeles, Pampanga naman, nagpapagaling din ang isang bagong silang na babaeng sanggol na nakita sa damuhan, na tadtad ng kagat ng insekto at sunog ang balat.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, sinabing natagpuan sa Mandaue City ang isang nasa 24 weeks old nang fetus sa isang septic tank sa isang portalet.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nag-iwan sa fetus.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, natagpuang patay na ang isang sanggol sa isang irrigation canal sa Lagonoy, Camarines Sur.

Patuloy ang ugnayan ng pulisya sa barangay para matukoy ang ina ng sanggol. — VBL, GMA Integrated News