Nasawi ang isang lalaki at sumabit ang katawan sa hagdanan matapos siyang makuryente sa poste sa Oriental Mindoro.

Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Sevilla Gonzales, 35-anyos, taga-Naujan, Oriental Mindoro.

Nakuhanan ng larawan ng netizen ang biktima habang nakasabit ang katawan sa hagdanan na katabi ng poste.

Idineklara umano na dead on arrival si Gonzales nang dalhin siya sa ospital.

Ayon sa City Disaster Risk Reduction Management office na rumesponde sa insidente, wala pang makapagsabi kung bakit umakyat sa poste ang biktima.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, sabi pa sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News