Inabutan sa loob ng isang paupahang kuwarto sa Daet, Camarines Norte ang isang misis at umano'y kalaguyo nito. Paliwanag ng dalawa sa mga pulis na tinawagan ng mister ng babae, nag-uusap lang sila.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Biyernes, sinabing nakuhanan ng video ng mga pulis sa loob ng kuwarto ang 29-anyos na misis at ang kasama nitong lalaki na isang guwardiya.

Ayon sa mister, tanghali nitong nakaraang Lunes nang umalis nang walang paalam sa kanilang bahay ang kaniyang asawa.

ADVERTISEMENT

Dahil nagduda, palihim na sinundan ni mister ang babae hanggang makarating sa isang paupahang kuwarto.

Dahil sa pangamba na baka may baril ang lalaking kasama ng kaniyang misis, tumawag si mister ng mga pulis.

At nang dumating ang mga pulisya sa lugar, inabot umano ng 10 minuto bago nagbukas ng pinto ang misis at ang lalaki.

Paliwanag ng dalawa, nag-usap lang sila sa loob ng kuwarto. Pero hindi naniniwala ang mister dahil ilang beses na raw niyang nahuling magka-chat ang kaniyang misis at ang lalaki.

Sasampahan ng reklamong adultery ang babae habang paglabag naman sa Republic Act 9262 o "Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004" ang umano'y kalaguyong lalaki.--FRJ, GMA Integrated News