Isang babaeng dentista ang hinostage ng isang lalaking nagpanggap na pasyente na masakit ang ngipin sa Mangatarem, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, kinilala ang suspek na si Geraldo Placido, 46-anyos.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagpanggap daw na pasyente si Placido para makapasok sa klinika sa Barangay Calvo.

ADVERTISEMENT

Nang nasa loob na, naglabas umano ng patalim ang suspek at tinutukan ang dentista at binihag.

Naaresto ang suspek nang makakuha umano ng tiyempo ang mga awtoridad na maagaw kay Placido ang patalim habang nakikipag-negosasyon.

Hindi pa malinaw ang dahilan kung bakit nito binihag ang biktima na nagtamo ng sugat sa balikat.

Nahaharap si Placito sa reklamong illegal detention at frustrated murder.

Wala pa siyang pahayag, at hindi pa nagbigay ng komento ang pamunuan ng klinika tungkol sa nangyari, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News