Patay ang isang lalaking sakay ng motorsiklo matapos siyang pagbabarilin ng riding in tandem habang may kausap na isa pang rider sa Urdaneta City, Pangasinan.

Sa ulat ni Jasmien Gabriel Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, kinilala ng pulisya ang biktima na si Ryan Carpio, 39-anyos, residente sa lungsod.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang biktima na sakay ng motorsiklo na pansamantalang tumigil nang makasalubong at tila kinausap ang isa pang lalaki na sakay din ng motorskilo.

ADVERTISEMENT

Pero sa gitna ng kanilang pag-uusap, dumating ang dalawang salarin na sakay ng isang motorsiklo at dumaan sa gitna ng biktima at kausap nito.

Nang makatapat sa biktima, bumunot ng baril ang nakaangkas at binaril si Carpio nang malapitan.

Bumababa pa sa motorsiklo ang gunman at nilapitan ang nakatumbang biktima at muling pinagbabaril bago tumakas.

Isa sa tinitingnan ng pulisya na posibleng motibo sa krimen ang pagkakasangkot ng biktima sa robbery-holdup case sa Villasis, Pangasinan.

Ayon sa pulisya, nito lang Marso isinampa sa biktima ang naturang kaso.

Pero ayon sa kinakasama ni Carpio, napagbintangan lang ang biktima. --FRJ, GMA Integrated News