Isang babae ang nasawi, habang sugatan ang isa pa nang salpukin sila ng isang SUV habang tumatawid ng kalsada sa Batangas City. Ang trahedya, nahuli-cam.

Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV camera na bumaba mula sa isang jeepney ang tatlong babae at tumawid ng kalsada.

ADVERTISEMENT

Halos nasa kalagitaan na sila ng kalsada nang biglang dumating ang isang SUV at nasalpok ang dalawang biktima na kinilalang sina Evangeline De Silva, 47-anyos, at Ellen Bobleo, 38, parehong residente ng Barangay Bulbok, ng nasabing lungsod.

Tumilapon ang dalawang biktima sa lakas ng pagkakasalpok sa kanila. Dinala sila sa pagamutan pero nasawi si De Silva.

Ayon sa pulisya, tumigil at sumuko ang driver ng SUV na kinilalang si John Kenneth Magtibay, 25-anyos, residente ng San Pascual, Batangas.

Inihayag din ng mga awtoridad, nagkakaroon na umano ng pag-uusap ang pamilya ng mga biktima at pamilya ng driver ng SUV.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng mga biktima at driver ng SUV, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News