Isang bangkay ng walong-taong-gulang na babae na walong saplot ang natagpuan sa isang bakanteng lote sa Lucena City, Quezon bago magtanghali ngayong Miyerkoles.

Ayon sa isang opisyal ng barangay na rumesponde sa lugar, isang basurero ang nakakita sa bangkay ng babae sa bakanteng lote sa Barangay Gulang-Gulang.

May busal sa bibig at nakagapos din ang biktima.

Habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Scene of Crime Operatives (SOCO) ng pulisya, dumating sa lugar ang isang lalaki na nagpakilalang ama ng biktima.

Ayon sa ama, mula sila sa Unisan, Quezon at dumayo sila ng kaniyang pamilya sa Lucena para maki-fiesta. Nitong Martes ng gabi, sa bangketa umano sila natulog.

Dakong 1:00 a.m. nitong Miyerkoles ay inutusan umano niya ang kaniyang anak na bumili ng kape pero hindi na ito bumalik kaya hinanap nila.

Hinihinala ng Lucena City Police na ginahasa ang biktima dahil na rin sa sitwasyon ng bangkay nang matagpuan ito na walang saplot.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad at aalamin kung mayroong CCTV camera sa lugar na maaaring makatulong sa paglutas ng karumal-dumal na krimen. —Peewee Bacuño/FRJ, GMA Integrated News