LUCENA CITY, Quezon - Bangkay na nang makita sa kulungan ang pangunahing suspek sa panggagahasa at pagpatay sa isang walong-taong gulang na batang babae sa Lucena City, Quezon.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Lucena City Police, natagpuan ang bangkay ni Julius Rodas, 19-anyos, dakong 12:45 a.m. nitong Linggo sa palikuran ng piitan na may tali sa leeg.

Sinubukan pa na isalba ang buhay ni Rodas sa tulong ng mga rescuer mula sa City Disaster Risk Reduction and Management Office ng Lucena City subalit idineklara itong dead on arrival sa pagamutan.

Si Rodas ay naaresto ilang oras matapos matagpuan ang bangkay ng biktima sa isang bakanteng lote sa Gulang-Gulang, Lucena City noong Miyerkules ng umaga.

Ang biktima ay natagpuang walang saplot, may busal sa bibig, at nakagapos. —KG, GMA Integrated News