Tatlo ang nasawi at isa ang sugatan sa karambola ng mga sasakyan sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) na bahagi ng Mabalacat, Pampanga nitong Miyerkules. Ang ugat umano ng sakuna, ang isang pick-up truck na napunta sa Southbound lane mula sa Northbound.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras," sinabing lulan ng isang kotse ang mga biktima, na kinabibilangan ng isang bata.

Kuwento ng isang saksi, tumama sa barrier ng expressway ang pick-up truck na pa-northbound at napunta sa southbound lane.

ADVERTISEMENT

"Pagpreno niya po gumewang. Na out of control siya," sabi ni Jerry Valerio, driver ng truck na kasama sa tinamaan ng pickup.

Isang kotse ang matinding napinsala na tila pinitpit na lata kung saan nakasakay ang apat na biktima.

Dinala sila sa isangospital sa Tarlac kung saan idineklarang nasawi ang tatlo.

"Nung nakuha namin sila negative pulse negative breathing," ayon sa rescuer na si Rudolf Enrile.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente. Itinanggi naman ng driver ng pickup na mabilis ang kaniyang takbo pero malakas umano ang ulan.—FRJ, GMA Integrated News