Sugatan ang tatlong sakay ng isang owner type jeep matapos nitong makasalpukan ang pampasaherong bus sa Quirino Highway, Barangay San Francisco, Tagkawayan, Quezon dakong 8:45 ngayong umaga.

Ayon sa mga barangay official sa lugar, na silang unang rumesponde, patungong Bicol ang bus habang patungo naman sa Maynila ang owner-type jeep.

Wala raw sa linya ang bus dahilan para masalpok nito ang owner type jeep sa pababang bahagi ng highway.

ADVERTISEMENT

Makikita sa mga larawan na nawasak ang harapan ng owner type jeep. Nakahiga sa lupa ang mga sugatan habang naghihintay sa ambulansya.

Naisugod na sa pagamutan ang mga sugatan.

Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Tagkawayan Municipal Police Station.

Nakatakdang mag-usap ang driver ng bus at ang driver ng owner-type jeep sa himpilan ng pulisya. —LBG, GMA Integrated News


PHOTOS Courtesy: Barangay San Francisco