Patay ang dalawang pulis na nagpapatrolya malapit sa isang simbahan sa Oas, Albay, nang pagbabarilin sila ng mga suspek na kanilang sinita.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Lunes, kinilala ang mga nasawi na sina Police MSgt. Joseph Ostonal at Police Cpl. Jeffrey Refereza.

Sinita umano ng mga pulis ang mga suspek  dahil sa kahina-hinala umano ang kilos ng mga ito. Pero biglang pinaputukan ng mga suspek ang mga biktima.

Sa isinagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad, naaresto ang dalawang suspek. Dinala sa ospital ang isa dahil sa tinamo nitong tama ng bala sa paa.

May nakuhang baril sa mga suspek pero nawawala ang service firearm ng isang nasawing pulis.

Pagnanakaw ang isa sa mga motibong tinitingnan sa krimen.

Dalawa pang kasamahan ng mga suspek ang tinutugis ng mga awtoridad.—FRJ, GMA Integrated News