Nasawi ang Dabawenyo singer na si Ken Mariscal matapos na matumba mula sa sinasakyang motorsiklo at masagasaan ng isang sasakyan sa Davao City.

Sa ulat ni Kent Abrigana sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Mark Ken Mariscal, na mas kilala bilang si Ken Mariscal, 28-anyos.

Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente dakong 2:30 a.m. nitong Linggo sa Cabantian Road.

Sinabi ni Buhangin Police Station Chief, Major Joenel Pederio, batay sa salaysay sa kasama ni Mariscal, galing sila sa gig at tumigil sandali para umihi.

Pero nawalan umano ng balanse si Mariscal at natumba papunta sa bahagi ng kalsada. Nataon naman na may paparating na puting sasakyan at nahagip ang biktima.

Tinangka pa umano ng kasama ni Mariscal na patigil ang sasakyan pero nagtulong-tuloy pa rin ito.

Sinusuri na ng mga awtoridad ang CCTV camera sa lugar para malaman kung sino ang nagmamaneho ng sasakyan.

Nanawagan naman ang ina ng biktima na si Rublyn, na makonsensiya at sumuko na ang driver ng sasakyang nakapatay sa kaniyang anak.--FRJ, GMA Integrated News