Isa ang nasawi, habang 11 pa ang dinala sa ospital dahil sa hinihinalang food poisoning sa Pinamungajan, Cebu matapos umanong kumain ng lechon.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Lunes, sinabi ng pulisya na galing sa LapuLapu City ang lechon na iniuwi ng biktima noong Sabado.

Matapos maghapunan, sumama na umano ang pakiramdam ng mga nakakain kaya dinala na sila sa ospital.

Hinihintay ang resulta ng isinagawang laboratory tests sa mga biktima para matukoy kung nalason talaga ang mga biktima.

Sa hiwalay na ulat ng GTV "State of the Nation," sinabing sumakit ang tiyan, nagsuka at nagtae ang mga nakakain ng lechon.

Isasailalim din sa awtopsiya ang mga labi ng nasawing biktima. —FRJ, GMA Integrated News