Binaril at napatay ng isang security guard ang isang construction worker sa gilid ng South Luzon Expressway sa Calamba, Laguna. Nag-ugat ang krimen ang sitahin ng mga sekyu ang mga construction worker na nagpapahinga sa labas ng bakod ng gusaling binantayan ng suspek.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GTV Balitanghali nitong Lunes, sinabing nangyari ang nahuli-cam na krimen noong Sabado. Kinilala ang biktima na si Ronald Santillan, 32-anyos.

Bago ang pamamaril, nagpapahinga umano ang biktima at ang kaniyang kapatid sa damuhan na nasa labas ng bakod ng isang gusali na binabantayan ng mga sekyu.

Nang sitahin ng mga sekyu ang magkapatid, makikita sa cellphone video na nangangatwiran ang biktima na wala naman sila sa loob ng property na binabantayan ng mga suspek.

Isa sa mga sekyu ang umalis at nang bumalik, nadinig na ang ilang putok ng baril.

Natumba si Santillan sa tama ng bala, habang tumakas naman ang dalawang sekyu.

Ayon sa pulisya ng Calamba, kaagad na naaresto ang isang sekyu. Kinalaunan, sumuko rin ang sekyu na namaril na may kasamang abogado.

Sinusubukan pang makuha ang panig ng mga suspek, ayon sa ulat. —FRJ, GMA Integrated News