Bumuo ng isang komite ang lokal na pamahalaan ng Zamboanga City para imbestigahan ang umano'y sex video scandal na kinasasangkutan ng dalawang kawani ng city hall. Ang iskandalo, may kaugnayan umano sa isang kawani na may posisyon na humirit ng sex sa kawani na "job order" para maging regular sa trabaho.
Sa ulat ni Efren Mamac ng GMA Regional TV One Mindanao, sinabing naglabas ng executive order ang lokal na pamahalaan para buuin ang committee on decorum and investigation na siyang magsisiyasat sa iskandalo na kinasasangkutan ng isang kawani ng city hall na may posisyon at isang kawani na JO na hindi regular na kawani.
Aalamin sa imbestigasyon kung totoo na may kasangkot na paghingi ng sexual favors kapalit ng pagiging regular sa trabaho ang naturang iskandalo.
Ikinukonsidera ng lokal na pamahalaan na isang uri iyon ng sexual harassment. Sinuportahan naman ng City Council ang hakbang sa gagawing imbestigasyon.
Nanawagan rin sa publiko si Councilor Lilibeth Nuno na huwag nang ipakalat pa ang video.
“I would like also to appeal to the public to stop sharing the post, this is not only traumatic to the victim, it is also traumatic to the family as well, as well as the community,” pakiusap ng opisyal.
Nais din ng Konseho ng lungsod na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa naturang usapin ang National Bureau of Investigation (NBI).
“We would also pass a second resolution later on requesting the National Bureau of Investigation to conduct a parallel, a partial investigation to the issue,” sabi ni Councilor Charlie Mariano.
Hindi pa tinutukoy ng lokal na pamahalaan kung sino ang mga sangkot sa kontrobersiya, at wala pang nahahain ng reklamo.
Posible umano maharap sa reklamong sexual harassment ang kawani na may posisyon, at posible rin siyang masibak sa trabaho.
“There is no basis yet for the suspension. Unless we receive the complaint because until now we do not know the actual person or actual respondents,” paliwanag ni City Administrator, Atty. Wendel Sotto.
Hinikayat ni City Hall Spokesperson Lisa Jocson ang biktima, at iba pang posibleng naging biktima na magsampa ng reklamo. -- FRJ, GMA Integrated News
