Patay na at walang saplot pang-ibaba nang matagpuan sa ilog ang isang 21-anyos na babae sa Lingayen, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nakita ang bangkay ng third year college student na biktima sa ilog na bahagi ng Barangay Balangobong.

"Nag-request tayo sa PNP to determine if there an instances na ni-rape ang bata but primarily, ‘yan ang unang-unang motibo ng suspek na rape ang biktima," ayon kay Police Lieutenant Colonel Vicente Castor, Jr., hepe ng Lingayen Police Station.

Sa follow-up operation, naaresto ng mga awtoridad ang 32-anyos na suspek na umaming ginahasa niya at sinakal ang biktima.

Sinabi niya na lasing siya nang gawin ang krimen.

Dinala rin ng mga awtoridad ang suspek sa pinangyarihan ng krimen at itinuro nito kung saan niya itinapon ang mga gamit ng biktima.

Mariin namang kinondena ni Lingayen Mayor Leopoldo Bataoil ang nangyaring krimen.

"Gusto kong ipahayag na dito sa Lingayen, hindi namin [pa]palagpasin ang pangyayaring ito. Itong suspek na ito [ay] mananagot sa ngalan ng batas," ayon sa alkalde.-- FRJ, GMA Integrated News