Sinabi ni Mikee Quintos na natagpuan na niya ang “closure” na hinahanap niya matapos ang hiwalayan nila ni Paul Salas noong nakaraang taon.

Sa episode ng “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Lunes, ibinahagi ng Sparkle star na nakita niya ang kaniyang dating nobyo sa Bida sa Arena celebrity basketball game noong Linggo.

Kinumpirma rin niya na nagkaroon sila ng pagkakataong mag-usap sa bachelor party ni Mikoy Morales noong Pebrero.

"We talked, OK naman. I'm not gonna deny, it was still painful. Masakit pa rin pero 'yung usap namin na ito compared to our breakup last year is so much better," ayon kay Mikee.

"I found myself saying to him dito sa usap na 'to na parang eto 'yung gusto kong usap last year. Sabi ko sa kaniya nun, ito 'yung kinailangan kong closure last year," dagdag niya. "Akala ko nga 'di ko na makukuha but at least nakuha ko pa rin."

Sinabi pa ni Mikee, na nasa mas maayos na kalagayan na rin siya ngayon, na pinaniniwalaan niyang dahilan kung bakit naging maayos ang kanilang pag-uusap.

"Along the way, looking back, I was not just grieving us, the relationship. I also grieved a version of myself, 'yung Mikee na 'yun na was with Paul. I don't think I can go back to her. I love who I am now," paliwanag niya.

Kamakailan lang, naging malapit si Mikee kay Heaven Peralejo, na dumaan din sa hiwalayan noong nakaraang taon. Dating karelasyon ni Heaven si Marco Gallo.

Sumama si Heaven kay Mikee sa “Fast Talk,” at ibinahagi nila kung paano nakatulong ang kanilang mga karanasan upang maging magkaibigan sila.

Sa hiwalayan nila ni Marco, sinabi ni Heaven na nagalit din siya dati ngunit natanggap na rin niya kinalaunan na natapos na ang kanilang relasyon.

"It was a beautiful love," ani Heaven. "I realized na hindi naman lahat ng tao, is meant to stay forever in your life. And sometimes dapat nandun lang siya sa season na 'yun ng istorya ng buhay mo."

"And it's fine kasi at some point minahal namin 'yung isa't isa the best that we can," dagdag niya.—FRJ GMA News