Labindalawang mananaya ang pumaldo matapos na sabay-sabay na nanalo ng jackpot prize sa tatlong major lotto draws ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na ginawa nitong Martes ng gabi, May 5, 2026.
Sa Lotto 6/42 draw, isang mananaya ang nanalo ng P10,000,000.00 jackpot prize matapos niyang mahulaan ang lumabas na mga numero na 31-28-19-03-02-04.
Ang tumamang tiket sa nasabing draw, tinayaan umano sa isang lotto outlet sa Laguna.
Isang mananaya rin na bumili ng tiket sa Pampanga ang tumama naman ng mahigit P40 milyon sa Superlotto 6/49 draw.
Ang number combination na lumabas ay 44-03-08-31-06-49.
Habang sa Ultra Lotto 6/58 draw, sampung mananaya ang tumama ng jackpot at maghahati-hati sa premyong umaabot sa P76 milyon.
Ang nahulaan nilang kombinasyon ng mga numero na lumabas ay 01-58-25-43-26-16.
Binobola ang Lotto 6/42 tuwing Martes, Huwebes at Sabado, habang ginagawa ang Superlotto 6/49 draw tuwing Martes, Huwebes at Linggo.
Samantala , tuwing Martes, Biyernes at Linggo naman ginagawa ang Ultra Lotto 6/58 draw.—FRJ GMA News

