Nasawi ang isang magkasintahan na ikakasal na sana matapos silang pagsasaksakin ng dating karelasyon ng babae sa Surallah, South Cotabato.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Martes, sinabing nagpapahinga ang mga biktimang sina alyas “Nene” at “Boboy” sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Moloy noong Huwebes, base sa imbestigasyon ng pulisya.

Hanggang sa pinasok ng dating karelasyon ni Nene na si alyas “Tonton” ang bahay at pinagsasaksak ang mga biktima.

Umaga kinabukasan nang matuklasan ang bangkay ng magkasintahan.

Nadakip kalaunan ang suspek, at nakumpiska sa kaniya ang isang bolo na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.

Tinitingnan ng pulisya ang selos bilang motibo sa pagpatay sa mga biktima.

Nakatakda na sanang ikasal ang mga biktima noong Hunyo.

Nahaharap sa kaukulang reklamo ang suspek, na hindi pa rin nagbibigay ng pahayag.--Jamil Santos/FRJ, GMA News