Inihayag ni Senador Raffy Tulfo ngayong Martes na wala siyang planong tumakbong presidente o bise presidente sa 2028 elections. Ito ay kahit pa lumabas sa isang survey na tabla sila ni Bise Presidente Sara Duterte sa pinagpipilian ng mga respondents na posibleng sunod na magiging lider ng bansa kung ngayon gagawin ang halalan.

Sa panayam ng mga mamamahayag, ipinahiwatig ni Tulfo na ang tangi niyang intensyon ay muling tumakbong senador sa susunod na halalan.

"I'm very happy as senator bakit pa ako aakyat sa higher office (president/vice president)? I don't want to commit the same mistakes that others committed,” pahayag niya.

“May elected officials, first term pa lang sila, and then after first term, tumatakbo ulit sila sa higher office o higher position and they failed," patuloy niya.

BASAHIN: Raffy Tulfo, tumabla kay Sara Duterte sa Pulse Asia survey kung ngayon gagawin ang presidential polls

Sa survey ng Pulse Asia na inilabas nitong Lunes, lumitaw na kung silang dalawa lang ni Duterte ang maglalaban sa panguluhan at ngayon ito gagawin, kapuwa sila nakakuha ng 46 percentage points.

Nang tanungin kung posibleng bise presidente ang kaniyang asintahin, sabi ni Tulfo, “Hindi rin. Happy na ako as big Senator."

Ayon kay Tulfo na unang termino pa lang bilang senador, handa siyang mag-endorso ng magiging presidential candidate na kapareho ng kaniyang adbokasiya.

Samantala, sinabi ng kapatid ni Tulfo na isa ring senador na si Erwin, mas makabubuti na huwag nang isama ang kanilang pangalan na magkapatid sa mga survey tungkol sa mas mataas na posisyon.

"Ang gusto po ng brother ko and myself, sana po next time...'wag isama-sama yung mga pangalan po namin d'yan sa mga tatakbo (na) possible candidates, presidential, vice-presidential," sabi ni Erwin sa mga mamamahayag.

"Ang plano lang po talaga namin, hanggang dito lang po kami sa Senado. Wala naman po talagang kaplano-plano yung kapatid ko... or sino man po sa amin to run for higher office of 2028," dagdag niya.

Nauna nang inihayag ni Duterte ang kaniyang hangarin na tumakbong pangulo sa 2028 elections.

Ang naturang Ulat ng Bayan survey ng Pulse Asia ay ginawa noong February 27 hanggang March 2 na may 1,200 respondents, na edad 18 pataas. Mayroon itong margin of error na plus o minus 2.8%.

Ang naturang katanungan sa survey ay ipinagawa ni Senador Miguel Zubiri upang alamin umano ang pulso ng mga tao tungkol sa kung sino ang nais na maging susunod na lider ng bansa. — Sundy Locus/FRJ GMA News