Kumpirmadong may mga cute na squirrel na naninirahan sa ilang lungsod sa Metro Manila gaya ng mga nakitang tila naglalaro sa mga kable ng poste. Pero nakatutuwa man silang panoorin, maaaring makasama rin sila sa ating kapaligiran. Alamin kung bakit.

Sa isang episode ng “Dami Mong Alam, Kuya Kim!,” nakumpirma na may squirrels na naninirahan sa hangganan ng Las Piñas at Alabang. Ang mga residente, nasanay nang makakita ng squirrel sa umaga na tila naghahabulan sa mga kable ng poste.

Ang isang residente sa lugar, may pagkakataon pang nakita ang cute na hayup na tila dagang makapal ang buntot sa harap ng kaniyang tirahan.

Paniwala ng isa pang residente, maaaring tatlong taon na niyang nakikita ang squirrel sa lugar na mga mga kable na malapit sa mga puno.

Ang mga squirrel, itinuturing na wild animals kaya hindi sila puwedeng basta kunin at gawing pet.

At ang squirrel na nakikita sa nasabing lugar, tinatawag na Finlayson’s Squirrels, na may iba’t ibang kulay gaya ng brown, gray, jet black, white at reddish na may halong pattern.

Native umano ang mga naturang hayop sa Southeast Asia, partikular sa Thailand, Cambodia, Laos at Vietnam.

Hinihinala na nakarating sila sa Pilipinas dahil sa exotic pet trade, o inalagaan, at pagkatapos ay pinakawalan o sadyang nakakawala.

Ang mga naturang uri ng squirrel, highly adaptable daw sa mga lugar kung saan sila nakatira, may pinagkukunan ng pagkain, at kaunti lang ang predators o kalaban nila.

Pinaniniwaalan na ito ang mga dahilan kaya nagawa nilang mamuhay sa siyudad, at nagawa pa nilang nakapagparami. Matatalino at may pagka-malilimutin din umano ang mga squirrel.

Ngunit cute mang tingnan, may hindi raw magandang maidudulot ang pagdami nila sa kapaligiran dahil itinuturing silang invasive species.

“Wala sila dapat dito, detrimental sila dito sa ating ecosystem,” ayon kay Sean Frederick Serrano, isang veterinarian.

“Nakiki-compete sila sa pagkain, naninira sila ng mga pugad ng mga ibon. At of course, ‘yung public health natin since malapit sila sa atin since wild sila, puwede silang mag-ano ng mga sakit na puwedeng mahawa ang mga alaga natin o yung mga tao,” dagdag niya.

Kaya payo ni Kuya Kim, sa kabila ng pagiging cute ng mga squirrel, huwag silang lalapitan at huwag ding sasaktan. – FRJ GMA News