Nagdiwang ngayong Marso ng kanyang ika-100 kaarawan si Lola Felicidad "Edad" Collantes Caguimbal ng Del Gallego, Camarines Sur.

Isinilang sa bayan ng Ragay si Lola Edad noong Marso 1924. Naging kasapi siya ng gerilya na lumaban sa mga mananakop na Hapon noong kanyang pagdadalaga.

Nagkaroon si Lola Edad ng 12 anak at 32 apo sa kasalukuyan.

Sa edad na 100, malakas at nakakalakad pa si Lola Edad. Bahagya mang humina ang kanyang pandinig, nanatili na matalas ang kanyang isip o memorya. Malinaw pa rin ang kanyang mga mata.

ADVERTISEMENT

Ayon kay Lola Edad, pagdarasal ang numero unong nagpapalakas sa kanya. Patuloy raw ang paghingi niya ang awa sa Panginoon.

Sikreto raw ni Lola ang pagkain sa tamang oras. Isda at kanin raw ang kanyang kinakain. Hindi raw siya kumakain ng kahit na anong karne.

Sa selebrasyon ng kanyang kaarawan, naghandog si Lola Edad ng kanyang paboritong awitin.

Ayon sa mga anak ni Lola Edad, hindi raw naging pabigat sa kanila ang ina. Sobrang mapagmahal raw ito. Game na game si Lola sa kuwentuhan at pagbabahagi ng mga naranasan niya sa buhay.

Nitong Biyernes, natanggap ni Lola Edad ang pagkilala o pagbati mula kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.

Natanggap rin ni Lola Edad ang pagkilala ng Sangguniang Bayan ng Del Gallego.

Bukod dito,nakuha na rin ni Lola Edad ang 100 libong piso mula sa National Government bilang kanyang centenarian gift.

Hinihintay ngayon ni Lola ang tulong pinansyal mula sa lokal na pamahalaan ng Camarines Sur na nagkakahalagang 50 libong piso bilang pagkilala sa kanyang narating na edad. — Peewee Bacuño/ VDV, GMA Integrated News