Huli pero hindi kulong ang isang kagawad ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) chairwoman kahit naaktuhan silang magkasama sa loob ng kuwarto ng isang motel sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkoles, sinabing mga opisyal sa isang barangay sa Consolacion ang dalawang lokal na opisyal.

ADVERTISEMENT

Ayon sa pulisya, humingi ng tulong sa Police Station 3 ang misis ng kagawad nitong Martes ng gabi, matapos niyang matunton ang motel na kinaroroonan ng kaniyang mister.

Sinamahan naman ng mga awtoridad ang ginang sa motel at doon nakita ang kagawad at ang SK chairwoman na magkasama sa isang kuwarto.

Gayunman, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Christian Torres, spokesperson ng Lapu-Lapu City Police Office, na walang nakitang "nakaka-eskandalong" eksena sa dalawang barangay official na kailangan sa pagsasampa ng reklamong concubinage.

Ayon kay Torres, maaari na lang sampahan ng misis ang kaniyang mister ng reklamong "psychological abuse." --FRJ, GMA Integrated News