Tumilapon ang isang lalaki na limang-taong-gulang matapos siyang mabangga ng isang pickup truck sa Valencia, Bukidnon. Ang driver ng sasakyan, pinaghahanap.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, makikita sa kuha ng CCTV camera ang biglang pagtawid ng biktima at nahagip siya ng dumaang pickup truck.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ng ilang metro ang bata.

ADVERTISEMENT

Dumating naman ang kaniyang ina at isinakay niya sa tricab ang duguan niyang anak para madala sa ospital.

Kuwento ng ginang, naghuhugas lang siya ng kamay sa isang establisimyento na kanilang pinasyalan at hindi niya namalayan na tumawid pala ang kaniyang anak.

Sa kabutihang palad, nakaligtas ang bata at maayos na ang kalagayan niya. Pero pinoproblema ng pamilya ang malaking gastusin nila sa ospital.

Kaya nanawagan siya sa nakabangga sa kaniyang anak na sumuko at panagutan ang gastusin sa pagpapagamot sa bata.

"Walang-wala talaga kami," ayon kay Jinle Burlat, ina ng biktima. -- FRJ, GMA Integrated News