Mula sa Camarines Sur, pumunta pa sa Metro Manila ang isang 25-anyos na guro dahil sa ginagawang pananakot ng kaniyang dating nobyo na makipagkita sa kaniya at magbigay ng pera upang hindi niya ipakalat ang maseselang larawan at video ng biktima.
Sa ulat ni Cris Novelo sa GMA Regional TV News nitong Martes, nasakote ng mga awtoridad ang 29-anyos na suspek sa isang bus station sa Quezon City para sunduin ang biktima.
“Kasi naghihintay kami nung Mahal na Araw, hindi umuwi itong suspek kasi itong suspek nagtatrabaho sa Manila. So isa sa demand niya, pumunta itong biktima dun sa Manila para magbigay ng pera at mag-usap sila at 'yon nga, magsasama ulit sila dun sa Manila,” ayon kay Police Captain Angelo Babagay, team leader ng Camarines Sur and Camarines Norte Regional Anti-Cybercrime Unit.
Patong-patong na reklamo ang kinakaharap ng suspek kabilang ang paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2022, Cybercrime Prevention Act of 2012, Grave Coercion, at Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009.
Nagpaalala ang pulisya sa publiko na mag-ingat upang hindi maharap sa ganitong sitwasyon.
“Sa atin pong mga kababayan, lalung-lalo na po doon sa mga magkarelasyon, na kung ano man po ang mga picture o video na hawak nila, huwag po nila itong gagamiting panakot o ipangse-send para mapahiya itong [partner] o kung sino man sa kanila. Ito po ay labag sa cybercrime law, ito po ay may kaukulang parusa at kulong,” paalala ni Babagay.--FRJ, GMA Integrated News
