Apat na araw matapos maaksidente ang sinasakyang motorsiklo dahil sa nasagasaang aso sa kalsada at magtamo ng malubhang pinsala sa katawan, pumanaw na ang 22-anyos na babae sa Vigan City, Ilocos Sur.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Che Zhen Kate Martinez, isang crimonology student.

Agad na nasawi ang asong sangkot sa aksidente sa Barangay Tamag pero hindi pa rin natutukoy kung sino ang may-ari sa hayop.

“Yon yung main concern natin, ‘yung ma-pinpoint yung ownership ng aso,” ayon kay Police Lieutenant Amado Somera, Jr., Intelligence Investigation Officer ng Vigan City Police Station.

Nanawagan naman ang ina ng biktima na si Erlinda, sa may-ari ng aso na lumantad.

“Nakikiusap kami na tumulong ‘yung may-ari ng aso. Makonsensiya sana sila sa nangyari sa anak ko,” pakiusap niya.

Samantala, nasawi rin ang 26-anyos na rider sa Santa Ilocos Sur, matapos na magulungan ng isang delivery truck sa Magsaysay District.

Ayon sa ulat, may suot na helmet ang biktima pero nagtamo pa rin siya ng matinding pinsala matapos magulungan ang kaniyang ulo.

Nagkausap na umano ang pamilya ng biktima at driver ng truck.

Sa Pasuquin, Ilocos Norte, isang rider din na 27-anyos ang nasawi matapos na sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang traffic sign.

Sa imbestigasyon, nag-overshoot umano ang rider at nawalan ng kontrol sa motosiklo hanggang sa bumangga sa traffic sign.-- FRJ, GMA Integrated News