Timbog ang isang 31-anyos na lalaki matapos mangholdap umano ng isang babaeng senior citizen sa Barangay West Kamias, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV na tila nakatambay lang ang isang lalaki habang naninigarilyo at gumagamit ng cellphone sa may K-6th Street bandang 1 a.m.

Isang babae rin ang makikitang naglalakad sa kalsada.

Maya-maya pa, pinaandar na ng lalaki ang kaniyang motor at sinundan ang babae, na nilampasan niya noong una.

Hanggang sa bumalik ang lalaki at nilapitan ang senior citizen.

Hindi na gaanong nahagip sa CCTV ang sumunod na insidente dahil sa lakas ng ilaw ng motorsiklo, pero doon na hinoldap ng lalaki ang senior citizen.

Natangay niya ang P800 ng biktima, na natuklasang pauwi na galing sa palengke.

Nadakip ang suspek sa follow-up operation ng mga operatiba ng Anonas Police Station, at nabawi sa kaniya ang kitchen knife na ginamit sa krimen, pati ang sinakyan niyang motorosiklo.

Nabigo naman ang mga awtoridad na makuha ang ninakaw na pera.

“Wala po akong masasabi tungkol doon. Sa korte na lang po akong magsasalita sa lahat po ng akusasyon sa akin,” sabi ng suspek, na sinampahan ng reklamong robbery at paglabag sa Motorcycle Crime Prevention Act. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News