Nadakip ng mga awtoridad sa Zamboanga City ang transwoman na lider umano ng isang grupong sangkot sa kidnapping. Ang nakukuhang pera sa mga biktima, ginagamit umano para sa sex reassignment surgery ng mga miyembro.

Sa ulat ni Krissa Dapitan sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, kinilala ang naarestong suspek na isang "Mikey," 24-anyos, at 23-anyos niyang lalaking partner.

Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), umabot na sa 14 na lalaki ang nabiktima ng "Warla" criminal group sa Metro Manila.

Ang mga biktima ay mga dayuhan na mula sa Asia, POGO employees, at negosyante. Ang perang random na nakukuha umano ng grupo sa kanilang biktima ay ginagamit umano sa sex reassignment surgery ng mga miyembro nito na ginagawa sa Thailand.

“Base sa report, sinasaktan nila para i-force ang biktima na magbigay ng pera. After nila makuha ang pera, ibababa na lang nila kung saang lugar sa Metro Manila," ayon kay CIDG Regional Field Unit-9 Officer-in-Charge, Lt. Col. Romulo Dimaya Jr.

Ibabalik umano ng mga awtoridad sa Metro Manila ang mga naarestong suspek para harapin ang mga kasong kidnap for ransom with serious illegal detention.

Nagsimula noong 2018, nasa 13 umano ang miyembro ng grupo na kinabibilangan ng mga transwomen at kanilang mga partner. Umabot na umano sa 14 na lalaki ang nabiktima ng grupo pagsapit ng 2022, at nasa mahigit P4 milyon ang nakuha mula sa mga biktima.

Lima pa umano sa mga miyembro ng grupo ang pinaghahanap.

Tumanggi naman ang suspek na magbigay ng pahayag. --FRJ, GMA Integrated News