Ipinagdiriwang nitong Sabado sa bayan ng Calauag, Quezon, ang kanilang masaya at nakabubusog na Alimango Festival.

Kilala ang bayan ng Calauag sa matataba at malinamnam na alimango.

Tampok sa pagdiriwang ang paligsahan sa pinakamabigat at pinakamalaking huling alimango.

Wagi ang alimango ni Edgar Aspiras na may timbang na 2.3 kilos. Sipit pa lang nito ay tiyak na sobra sa isang tao na kakain nito.

Inabangan din ng mga bisita at residente ang karera ng mga alimango. Lahat ay enjoy na enjoy at todo sigawan pa habang nagkakarera ang mga alimango.

 

Photo: Pewee Bacuño

 

May alimango na tila takot na takot dahil iluluto na ito at mayroon namang tila naligaw at hindi na alam ang direksyon. Mayroon namang tila namamasyal at bumalik sa starting line.

Ang mga alimango na natalo sa karera ay deretso na sa kaserola at naging handa sa pista.

Ibinida rin ng mga taga Calauag ang mga inaning gulay, prutas at bigas na organic.

Ang Alimango Festival ay isinasagawa kada taon bilang pasasalamat ng mga taga Calauag sa masaganang biyaya ng kalikasan. —VBL, GMA Integrated News