Matapos ang pagsabog at pagbuga ng abo ng bulkang Kanlaon, rumagasa ang lahar sa mga ilog at kalsada ng Barangay Biaknabato sa bayan ng La Castellana sa Negros Occidental at noong hapon ng Miyerkules.
Sa ulat ng GMA Regional TV nitong Huwebes, sinabi ngPhilippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), na ang pagragasa ng lahar o tubig na may kasamang tila putik ay resulta nang nangyaring pag-ulan sa nasabing lugar.
“Ang mga na-deposit kumbaga na ash fragments during the eruption noong June 3, siyempre nag-settle na siya sa flank ng ating volcano. Then, malakas ang ulan lalo na sa southern part ng ating volcano, so na-wash out ang mga deposit,” paliwanag ni Engr. Mari Andylene Quintia, resident volcanologist sa Kanlaon Volcano Observatory.
Isinara sa mga motorista ang bahagi ng mga kalsadang apektado ng pagragasa ng lahar upang maiwasan ang sakuna.
Hindi pa matiyak ng PHIVOLCS kung hanggang kailan na may dadaloy na lahar. Pero pinayuhan ang mga nakatira malapit sa mga ilog na maging mapagmatyag o kung maaari ay umalis na muna.
Ilang alagang hayop umano ng ilang residente ang tinangay ng lahar na dumaloy rin sa mga ilog at sapa.
Nananatiling nakataas ang Alert Level 2 sa Mount Kanlaon mula nang pumutok ito noong June 3, 2024.
Isinailalim na ang La Castellana sa state of calamity dahil sa epekto ng pag-alburoto ng bulkan.
Apektadong mga barangay
Batay sa aerial inspection ng Office of Civil Defense (OCD) 6, kasama ang Negros Occidental Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, at Department of Social Welfare and Development, tatlong barangay sa Bago City, tatlo sa La Carlota City, walo sa La Castellan at tig-isa sa Moises Padilla at Pontevedra, ang apektaod ng pagputok ng bulkan.
Suplay sa tubig ang pangunahing kailangan ng apektadong mga residente.
“As of now kailangan nila ng tubig. Yun ang urgent natin. And we already requested for that and even for possible deployment of mobile water filtration. Right now, our office is doing inventory or asking for municipalities na meron pong ganyan na pwede tayo makahiram and then ma-i-deploy natin sa Negros Occidental,” ayon kay OCD 6 Director Raul Fernandez.
Naghahanda ang ahensiya sa karagdagang face masks na ipamamahagi sa mga apektadong residente.
Samantala, mahigit 300 evacuees mula sa Canlaon city ang hinatiran ng tulong na GMA Kapuso Foundation.
Isa mga residente na si Esmeralda Estelota, ang labis na nagpasalamat na tulong na ipinagkaloob ng GMA Kapuso Foundation. -- FRJ, GMA Integrated News
