Nasawi ang isang 54-anyos na lalaki nang madaganan siya ng kongkretong poste na natumba matapos na mabangga ng isang truck sa Davao City.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Sasa nitong Miyerkules ng hapon.
Sa imbestigasyon ng Davao City Police Office (DCPO), lumitaw na nawalan umano ng preno ang truck at bumangga sa poste, na natumba naman at nabagsakan ang biktimang nakatayo malapit rito.
Ayon sa driver ng truck na nasa kustodiya ng mga awtoridad, hindi niya napansin ang biktima.
Nag-uusap na umano ang driver ng truck at pamilya ng biktima para sa posibleng kasunduan upang hindi na magkaroon ng demandahan.
“Kagabi, both parties mag-settle na lang ang family sa victim, nangayo sila ng danyos,” ayon kay DCPO Spokesperson, Polcie Captain Hazel Caballero Tuazon. --FRJ, GMA Integrated News
