Tatlo ang nasawi, at 19 ang sugatan nang mawalan umano ng preno ang van na kanilang sinasakyan at maaksidente sa Tuba, Benguet.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong madaling araw ng Linggo sa Marcos Highway sa Tuba, Benguet.
Ayon sa awtoridad, galing sa Baguio ang van na magkakaanak ang karamihan sa 22 sakay at pauwi na sa Pampanga.
Pero nawalan umano ng preno ang van sa pababang kalsada hanggang sa bumangga sila sa isang kongkretong pader.
“’Yung area kasi ay accident-prone area, may pakurba na pababa, doon bumangga ‘yung sasakyan,” sabi ni Police Captain Francis Pawe, Investigation Officer of Tuba Municipal Police Station.
Nakalabas na ng ospital ang 14 sa mga sugatang biktima, habang inoobserbahan ang lima pa. -- FRJ, GMA Integrate News
